Timbog ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa babaeng senior citizen na pinukpok ng bato sa ulo sa Quezon City.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Jason de Guzman, na nadakip sa Caloocan.

Isa si De Guzman sa mga itinuturong nasa likod ng pagpatay kay Nenita Felicitas Tan, na kanilang kapitbahay.

Inamin ng suspek ang pagkakasangkot niya sa pamamaslang ngunit idiniin niyang naging lookout lamang siya.

Dagdag ni De Guzman, ang kaniyang mga kasamahan ang pumukpok ng bato sa ulo ng biktima.

Pag-amin din ng suspek, may mga nakuha silang pera at alahas.

Lumabas sa imbestigasyon ng QCPD na pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen.

Lasing at lulong sa ilegal na droga ang mga salarin.

Patuloy na tinutugis ang mga kasamahan ni De Guzman. —LBG, GMA Integrated News