Napuno ng surpresa at kilig ang unang solo concert ng GOT7 member na si BamBam sa Pilipinas, nang maging special guest niya si Sandara Park at awitin niya rin ang patok na “Raining in Manila” ng Lola Amour.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang pakikipag-jam ng mga Pinoy Ahgases sa GOT7 member habang wini-wave ang kanilang live sticks.

Dahil sa hirit ng fans, dalawang beses na kinanta ni BamBam ang “Raining in Manila.”

Nakisayaw din kay BamBam si Sandara, na kaniyang itinuturing na “ate,” habang front act naman ang K-pop group na DreamNote.

Samantala, nakipag-meet din sa Pinoy fans ang Korean drama actor na si Kim Bum.

Naghandog din ang Korean oppa ng isang kanta, na nagdagdag kilig sa kaniyang “Between U and Me” fan meet.

Nakatakda namang maghatid ng “k-lig” itong Sabado ng gabi ang Korean actor at 2PM member na si Ok Taecyeon para sa kaniyang fan meet na SpecialTY.

Marami aniyang hinanda si Taecyeon para sa fans, na magsisilbi niyang motivation na dahilan ng pagtatagal niya sa industriya. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News