Inaresto ang isang 29-anyos na lalaki sa Quezon City matapos hatawin ng raketa ng badminton ang siyam na taong gulang na anak ng kinakasama Linggo ng gabi.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes, nagtamo ng sugat sa ulo at likuran ang bata.
Ayon kay Police Major Jefry Gamboa, deputy commander ng Holy Spirit Police Station, nasa computer shop ang bata nang dumating ang lasing na stepfather.
“Pagdating niya doon kinausap niya ‘yung kalaro ng bata na tawagin ‘yung anak-anakan niya tapos may nakita siyang raketa ng badminton. Dahil sa kalasingan, hindi alam na dahilan pinagpapalo niya ‘yung bata para pauwiin,” pahayag nito.
Inawat umano ng mga residente ang stepfather. Sila na rin ang nagsugod sa bata sa ospital kung saan ito inabutan ng kanyang ina.
Sa imbestigasyon, hindi pala ito ang unang beses na napagbuhatan ng kamay ng suspek ang bata.
"Sa tuwing nalalasing itong stepfather, lagi niyang sinasaktan ang bata kaya pinag-aaralan natin ngayon kung ano pa’ yung maaari nating i-file na complaint laban sa suspek,” ani Gamboa.
Aminado ang suspek na nasaktan niya ang bata ngunit iyon daw ang unang pagkakataon.
"Isang beses lang po napalo. Nakainom lang po, sir. Inamin kong kasalanan ko, humihingi ako ng pasensiya sa bata at saka sa asawa ko,” pahayag ng suspek.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation, and Discrimination.—AOL, GMA Integrated News
