Matapos ang malakas na lindol na tumama sa Japan nitong Lunes, dalawang eroplano naman ang hinihinalang nagbanggaan at nasunog sa Haneda airport sa Tokyo nitong Martes.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nakaligtas ang 379 pasahero at crew ng Japan Airlines, habang ang mas maliit na eroplano ng Coast Guard ng Japan ang isa pang eroplanong sangkot sa insidente.
Ayon sa tagapagsalita ng Japan Coast Guard, nakaligtas ang kapitan ng eroplano habang unaccounted pa ang limang sakay nito.
Sa live footage ng public broadcaster NHK, makikita na nag-aapoy ang Japan Airlines Airbus A350 aircraft habang dumadausdos sa tarmac matapos na mag-landing.
Sa kabila ng pagsisikap na apulahin ang apoy, tuluyan na ring nagliyab ang eroplano matapos na mailikas ang lahat ng 367 pasahero at 12 crew.
Ayon sa Coast Guard, papunta sa Niigata airport ang eroplano nilang nasangkot sa banggaan.
Maghahatid sana ng mga tulong ang naturang eroplano sa mga biktima ng lindol na kumitil na ng nasa 48 katao.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng Japan Airlines na galing sa Shin-Chitose airport sa northern island ng Hokkaido ang nasunog na eroplano.
Isinara ang lahat ng runways sa paliparan ng Haneda dahil sa nangyari.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang detalye sa insidente.— Reuters/FRJ, GMA Integrated News
