Isang lalaking Chinese na na-repatriate mula sa Myanmar matapos mabiktima ng human trafficking ang nagpakilalang Pinoy para sa Pilipinas ibalik sa halip na sa China, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Ayon sa BI, sinundo ng immigration officials ang biktima na si King (hindi niya tunay na pangalan) nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nagpakilalang Pinoy.
Sa imbestigasyon, lumalabas na umalis ng Pilipinas ang 40-anyos na si King noong July 2023 patungong Thailand gamit ang Chinese passport, at may permanent residence visa sa ilalim ng RA 7919.
Inamin ni King na Chinese passport ang ginamit niya sa pag-alis dahil na rin sa payo umano ng kaniyang recruiter para makaiwas sa mga tanong tungkol sa pakay ng kaniyang biyahe.
Pagdating sa Thailand, tumawid sila ng ilog kasama ang tatlong iba pa patungong Myanmar. Isang buwan umano siyang nakatanggap ng sahod pero kinalaunan ay nakatanggap na siya ng mga parusa.
Nagawa niyang makaalis nang magbayad umano siya sa recruiter ng 20,000 baht o mahigit P32,000. Pero naaresto naman siya ng Thai immigration at nadetine ng tatlong buwan.
Sa takot na maipadeport sa China kung Chinese passport ang gagamitin niya, nagpanggap siyang Pilipino. Anim na buwan lang umano siya nang dalhin siya ng kaniyang ina sa Pilipinas, at hindi na raw muling bumalik ng China.
Permanent residence holder umano sa Pilipinas ang ina ni King, habang naturalized Filipino naman daw ang kaniyang ama.
Binigyan ng Philippine travel document ng Philippine Embassy sa Bangkok si King at ipina-deport sa Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang ganitong mga insidente ay epekto ng ginagawa ng mga Chinese migrant na gumagamit ng "shortcut" para makakuha ng Philippine citizenship.
“You cannot buy citizenship. You can be born with it, or be naturalized. There are no other modes or shortcuts in acquiring Philippine citizenship,” ani Tansingco.
“We are glad that many government agencies and lawmakers are already looking into this issue. This is a national security concern that needs to be addressed, lest it be abused by foreign nationals with malicious intent in the Philippines,” dagdag pa niya.
Kamakailan lang, inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na halos 200 fake birth certificates ang naibigay sa mga Chinese national ng civil registry sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
Nabisto ito matapos matuklasan na isang Chinese national na hindi marunong mag-Filipino ang nag-apply ng Philippine passport sa Davao City gamit ang sertipikadong birth certificate pero hindi totoo ang mga nakasaad na detalye.
Samantala, nakadetine sa BI holding facility sa Bicutan, Taguig si King habang hinihintay ang kasong deportation laban sa kaniya. --FRJ, GMA Integrated News