Naaresto ng mga awtoridad ang ilang Vietnamese na sangkot umano sa pagbebenta ng ilegal na droga at prostitusyon. Ang nasabat na ilegal na droga, itinago sa kanin na ide-deliver.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Biyernes, sinabing naaresto sa Makati ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) Organized and Transnational Crime Division (OTCD), ang isang lalaking Vietnamese na itinago sa kanin ang ilang sachet ng ketamine at ecstasy.

Sa follow-up operation, naaresto naman ang dalawang babaeng Vietnamese sa isang motel sa Pasay na ka-grupo ng lalaking Vietnamese.

Sangkot umano sa prostitusyon ang dalawang babae at binebentahan ng ilegal na droga ang kanilang mga nagiging parokyano.

Ayon sa kanila, mga kababayan nilang Vietnamese at mga Chinese ang kadalasan nilang kliyente.

Kadalasan umanong nakokontak ng mga Vietnamese ang kanilang mga kliyente sa pamamagitan ng social media.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga naaresto na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.-- FRJ, GMA Integrated News