Kasunod ng deklarasyon ng food emergency sa bigas, magbebenta ang National Food Authority (NFA) ng kanilang bigas sa halagang P35 per kilo. Pero ang kapalit nito, ang pagkalugi ng ahensiya na aabot umano sa P2.25 bilyon.
Nitong Martes, sinabi ni NFA Department Manager Roy Untiveros, na maglalabas sila ng mga stock na well-milled rice na aabot sa 150,000 metric tons para ibenta sa publiko sa mga itinalagang lugar ng lokal na pamahalaan, government-owned and controlled corporations (GOCCs), at Kadiwa ng Pangulo (KNP).
Kumpara sa halaga nang bilhin ng NFA ang mga naturang bigas noong 2024, sinabing nasa P12 hanggang P15 per kilo ang malulugi sa kanila, na aabot ang kabuuang halaga sa P2.25 bilyon.
Ayon kay Untiveros, nagpadala na ang NFA ng sulat sa mga lokal na pamahalaan para malaman kung gaano karami ang kanilang kakailanganin, na magiging basehan ng buwanang alokasyon na kanilang ipadadala.
Nitong Lunes, idineklara ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang food security emergency sa bigas, batay sa rekomendasyon mula sa National Price Coordinating Council (NPCC).
Ginawa ang deklarasyon dahil nananatiling mataas ang presyo ng bigas kahit bumaba na ang cost of production nito, at pati na ang taripa sa imported rice.
"Ito po ay suggested to be sold to the public by the LGUs at P35 (per kilogram). Hopefully ito po ay magkaroon ng epekto sa pagbaba ng presyo ng bigas sa ngayon," sabi ni Untiveros.
Batay sa datos, naglalaro sa P41.24 hanggang P59.14 ang per kilo ng bigas hanggang nitong February 1. Nasa P38.00 per kilo naman ang Kadiwa rice.
Samantala, inihayag ng DA na pababa na rin ang maximum suggested retail price (MSRP) sa imported rice, at inaasahan na mababawasan pa ang presyo ng produkto.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, magiging P55 per kilo ang MSRP sa imported rice sa Miyerkules, kumpara sa kasalukuyan nitong presyo na P58 per kilo.
Simula sa Pebrero 15, ipatutupad ang MSRP sa imported rice sa buong bansa.
"After this reduction, we plan to lower it further to P52 a kilo by mid-February and then at P49 per kilo two weeks after. This should reflect the lower global prices of rice and the reduced tariff," pahayag naman ni Sec. Laurel.
Sa ilalim ng Executive Order 62, ibinaba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nitong 2024 ang taripa sa imported rice sa 15% mula sa dating 35%, na tatagal hanggang 2028. — mula sa ulat ni Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ, GMA Integrated News