Palaban si Vice President Sara Duterte sa harap ng ginawang pag-impeach sa kaniya ng Kamara de Representantes. Nitong Biyernes, inihayag niya na kung puwede, hindi na siya dadalo sa impeachment hearing na gagawin sa Senado na magiging Impeachment Court dahil, "baka ma-intimidate lang sila lahat sa presence ko doon."

Sa pulong balitaan, sinabi ni Duterte na wala pa sa isip niya ngayon ang magbitiw sa puwesto.

"Wala pa tayo doon. masyado pang malayo 'yung mga ganyan na mga bagay," ani Duterte. "Nandoon pa lang tayo sa pagbabasa ng... Actually, wala pa tayo doon dahil 'yung mga abogado lang 'yung mga nagtatrabaho. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa nila."

Sinabi rin ni Duterte na kung pupuwede at papayagan siya, hindi na siya dadalo sa impeachment hearing sa Senado, na nauna nang sinabi ni Senate President Francis Escudero na sisimulan pa sa Hunyo, kapag nagbalik ang sesyon ng Kongreso mula sa bakasyon dahil sa gagawing Eleksyon 2025.

"Kung puwede naman hindi [dumalo] and I understand puwede naman, hindi na. Kasi baka ma-intimidate lang sila lahat sa presence ko doon," dagdag niya.

Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Duterte sa harap ng media matapos makakuha ng sapat na suporta mula sa mga kongresista ang hakbang sa Kamara na alisin siya sa puwesto sa paraan ng impeachment.

"Sa mga nakaraang araw, marami ang humihingi ng reaksyon, komento, o damdamin ko sa issue ng impeachment na naihain laban sa akin," ani Duterte sa inihanda niyang pahayag na kaniyang binasa.

"Sa kabila ng lahat ng aking mga naging pahayag ukol sa planong impeachment sa mga nakaraang buwan, ang tangning masasabi ko na lamang sa puntong ito ay God save the Philippines," dagdag niya.

Nang tanungin kung ano ang nararamdaman niya sa pangyayari, saad niya, "I'm okay."

"Mas masakit pa maiwan ng boyfriend o girlfriend kaysa ma-impeach ka ng House of Representatives," dugtong niya.

Ayon kay Duterte, naghahanda na sila tungkol dito noon pang November 2023.

"We've already started preparing the moment [ACT Teachers Partylist Rep.] France Castro announced the impeachment plans which is November of 2023. So November of 2023, there were already lawyers doing their work for the impeachment. We leave it to the lawyers," sabi pa niya.

Sinabi rin ni Duterte na kakausapin din niya ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na huwag nang manguna bilang abogado sa kaniyang impeachment case dahil sa edad nito.

"Maybe he wants to. He can be part of the defense team. But because of his age and because of rigorous preparations in an impeachment case, baka sabihin ko sa kanya na huwag na lang siyang mag-lead dahil medyo may edad na si former President Rodrigo Duterte. He's already 80 years old," paliwanag niya.

Hindi na rin nagkomento ang bise presidente sa pahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na hindi siya nakialam sa pagkilos sa impeachment laban sa kaniya.

Muli ring itinanggi ni Duterte na may assassination threats siya laban sa Pangulo.

"I did not make an assassination threat to the President. Sila lang ang nagsasabi niyan. Sila lang ang nagsasabi may assassination, sila nagsasabi may assassin, may gunman. I did not say that," giit niya.

Isa sa pitong Articles of Impeachment laban kay Duterte ang alegasyon ng sabwatan sa planong pagpatay kina Marcos, Jr. First Lady Liza Marcos, at Speaker Martin Romualdez.

Batay ito sa naging pahayag ni Duterte sa virtual press conference noong November 2024, sa kainitan ng pagdetine ng Kamara kay Atty. Zuleika Lopez, na kaniyang chief of staff, na nais noon na ilipat sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

"Wag kang mag-alala sa security ko kasi may kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kaniya, 'pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez," sabi ni Duterte sa virtual press conference.

“Nagbilin na ako, Ma’am. ‘Pag namatay ako, 'wag ka tumigil hanggang hindi mo mapapatay sila. And then he said 'yes,''' ayon pa sa pangalawang pangulo.

Kasama rin sa mga alegasyon ng Kamara na basehan para i-impeach si Duterte ang mga kuwestiyunableng impormasyon na isinumite sa Commission on Audit kaugnay sa paggamit niya ng daang milyong pisong confidential fund sa Office of the Vice President at Department of Education na dati niyang pinamunuan.

Itinanggi na noon ni Duterte ang mga paratang laban sa kaniya at iginiit na pulitika ang motibo sa likod ng mga akusasyon.—mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News