Dahil sa mga insidente ng away sa kalye, nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga motorista na maging disiplinado at huwag nang dumagdag sa mga "kamote" na masyado na umanong marami.

Sa isang vlog ng pangulo nitong Lunes, ipinaalala ni Marcos sa mga motorista na hindi "karapatan" ang pagkakaroon ng driver's license kung hindi isang "pribilehiyo."

“Tayong lahat ay kailangan sumunod sa batas trapiko. Kailangan ang disiplina para maging responsableng mga Pilipino sa lansangan. ‘Wag maging kamote. Masyado nang madami ‘yan,” anang pangulo.

“At bukod sa dunong sa pagmamaneho, ang lahat ay kailangan ayusin ang pag-uugali sa pagmamaneho at habaan ang pasensiya,” dagdag niya.

Hinikayat niya ang mga makakakita ng road rage na pakalmahin ang mga sangkot at huwag kumuha lang ng video.

Sinabi ni Marcos na mareresolba ang lahat kung tama at maayos na pag-uusap.

“Lugi tayo at ang mga pamilya natin sa mga posibleng dala nitong kapalit kung hahayaan nating lamunin tayo ng galit kahit isang saglit lamang,” paalala niya.

Ginawa ni Marcos ang pahayag dahil sa sunod-sunod na insidente ng road rage, kabilang na ang nangyari kamakailan sa Marcos Highway sa Antipolo City na isa ang nasawi sa pamamaril, at tatlo ang nasugatan. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News