Pinapaniwalaan na nakalilinis ng kasalanan ang pagpepenitensya gaya ng pagpapapako sa krus at paghahampas ng tila latigo sa sarili. Pero paalala ng Department of Health (DOH) huwag ding kalimutan na linisin ang mga sugat na matatamo para hindi maimpeksyon.“Alinsunod na rin sa mga kaparian, hindi naman kinakailangan na sugatan o saktan ang ating katawan,” sabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo sa panayam ng Unang Balita tungkol sa tradisyon ng penitensya na ginagawa ng ilang Katolikong Pinoy tuwing Semana Santa.Ngunit hindi maiiwasan ang penitensya, sinabi ng opisyal na dapat tiyakin na sanitized o malinis ang bagay na gagamitin sa panata upang hindi maimpeksyon ang sugat, at hugasan din at sabunin.“Tandaan po natin na ang mga sugat sa katawan ng penitensya ay mga tinatawag na ‘dirty wound.’ ‘Yung alikabok ng lupa, do’n sa mga lumilipad na alikabok sa paligid, saka ‘yung mga ginagamit nating instrumento, puwedeng panggalingan ng mikrobyo,” paliwanag ni Domingo.“Ang tanging lunas po niyan is maghugas ng malinis na tubig at sabon, at paggamit ng mga antiseptic tulad ng iodine na tinatawag natin. ‘Wag na hong tumalon sa ilog, sa dagat, ‘yung paniniwalang gano’n. Linisin na lang natin sa tamang paraan,” dagdag niya. — FRJ, GMA Integrated News