Sugatan ang isang motorcycle taxi rider matapos pagsasaksakin ng kanyang pasahero sa Barangay Pag-ibig sa Nayon, Quezon City bandang alas-singko ng umaga nitong Linggo.

Nagpapagaling pa sa ospital ang 43-anyos na lalaking rider na nagtamo ng hindi bababa sa 10 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa CCTV footage, kita ang pagsaksak ng suspek sa biktima pagpasok nila sa eskinita.

Natumba ang motorsiklo ng rider pero ilang beses pa siyang inundayan ng saksak ng suspek.

Itinayo ng suspek ang motorsiklo, sinakyan ito, at umalis sa lugar.

Ayon sa mga taga-barangay, may pumunta sa kanilang residente para humingi ng tulong.

Agad nilang dinala sa ospital ang biktima.

“Nakita po namin si rider hawak-hawak niya po 'yung leeg niya na 'yun nga po puro dugo. Duguan po siya. Nu'ng pagbuhat na po habang sinasakay na sa ambulansiya, sinabihan po siya nu'ng BPSO [Barangay Police Security Officer] na, 'Pare, lumaban ka. Kaya mo 'yan! Um-oo naman po siya,” ani Mariz Villafania, ang BPSO desk officer ng Brgy. Pag-ibig sa Nayon na rumesponde sa insidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na sumakay ang pasahero sa Recto Avenue sa Maynila at nagpapahatid sa lugar kung saan nangyari ang pananaksak.

Hindi pa malinaw sa ngayon ang motibo sa krimen.

“Ang kanyang kinuha lang ay 'yung ginawa niyang getaway is 'yung motor na gamit nila nu'ng biktima natin. ‘Yung personal belongings nu'ng victim, 'yung wallet, 'yung pera niya, is nandoon sa biktima natin. Intact 'yon, hindi 'yon nagalaw. ‘Yon ang iniimbestigahan natin kung anong anggulo sila puwedeng magkaroon ng koneksyon or ano ang kanyang motibo para gawin 'yung mga bagay na 'yon,” ani Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz, ang station commander ng La Loma Police.

Nagkasa ang pulisya ng manhunt operation laban sa suspek.

Hawak na rin nila ang ilang kuha ng CCTV na posibleng makatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng suspek.

“All efforts ng Station 1 at ng QCPD ay andito lahat du'n sa pag-follow up sa kasong ito,” dagdag ni Cruz.

Nakipag-ugnayan na rin ang QCPD sa kompanya ng motorcycle taxi rider. —KG, GMA Integrated News