Nanawagan si Speaker Martin Romualdez sa pinamumunuan niyang ruling party na Lakas-CMD, na suportahan at ipanalo ang 11 kandidato ng adminitrasyon sa ilalim ng Alyansa sa Bagong Pilipinas sa darating na May 2025 elections.

“Please lang, straight Alyansa. Diinan natin lahat sila, walang iwanan dito. Ito ang gusto ng ating Mahal na Pangulo [Ferdinand Marcos Jr]. They are our true partners. Subok na subok sila," ayon kay Romualdez sa  harap ng mga kapartido sa breakfast meeting na ginawa sa Imelda Hall, Aguado Residence sa Malacañang nitong Martes.

"I know each and everyone of them have proven themselves. Hindi tayo mapapahiya sa taong-bayan. These are the right candidates. This is the future of the Philippine Senate and the Republic of the Philippines,” patuloy ng lider ng Kamara de Representantes.

Dahil pinili ng pangulo ang mga kandidato ng administrasyon sa Senado, sinabi ni Romualdez na, "Dapat talaga diretso tayo dito sa Alyansa. No ifs and buts about it. Ito talaga ang hinihingi ko sa inyo."

Ang 11 kandidato ng Alyansa ay sina dating Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ng Partido Federal ng Pilipinas; Makati City Mayor Abby Binay ng Nationalist People’s Coalition; Senator Pia Cayetano ng Nacionalista Party; Senator Lito Lapid ng Nationalist People’s Coalition; dating senador Ping Lacson; dating senador Manny Pacquiao; Senator Bong Revilla, Jr. ng Lakas-CMD; dating Senate President Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition; Senator Francis Tolentino ng Partido Federal ng Pilipinas; ACT-CIS party-list Representative Erwin Tulfo of Lakas-CMD; at Camille Villar ng Nacionalista Party.

“The victory of the Alyansa is the victory of the people,” ani Romualdez. “Our citizens are tired of the noise, drama, and political grandstanding. What they demand is unity, delivery, and continuity—and that’s exactly what this slate offers.”

Dating kasama sa Alyansa si Senador Imee Marcos pero nagpasya itong maging indepedyante makaraang punahin ang ginawang pag-aresto at pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) The Hague.

Ginawa ni Romualdez ang panawagan sa Lakas party na suportahan mga kandidato ng administrasyon ilang araw matapos lumabas ang magkahiwalay na video ad ng pag-endorso ni Vice President Sara Duterte kina Marcos at Villar.

Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station para sa buwan ng Abril para sa mga kandidatong senador, lumalabas na siyam na pambato ng Alyansa ang nasa tinatawag na "magic 12." Dalawa naman ang nakapasok mula sa kampo ng mga Duterte, at isa ang independent.

Kabilang sa mga dumalo sa naturang pagtitipon ng ilang lider ng Lakas-CMD, at mga gobernador.

“When Lakas moves, the nation follows. And today we are moving with purpose,” ani Romualdez. “Sama-sama tayong babangon at susulong. This is our time to build a nation that works for all.”  -- mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ,GMA Integrated News