Puwede nang silipin ng mga botante kung saan presinto sila sa boboto para sa darating na eleksyon sa Mayo sa pamamagitan ng online precinct finder na binuksan na sa publiko ng Commission on Elections (Comelec).
Nitong Miyerkoles sa Facebook post, sinabi ng Comelec na maaaring tingnan ng mga botante ang lugar kung saan sila boboto at precinct number sa https://precinctfinder.comelec.gov.ph.
Sa naturang online platform, tatanungin ang mga gagamit tungkol sa kanilang buong pangalan, kapanganakan, at kung saan nagparehistro.
Makikita rin sa precinct finder kung active o inactive ang status sa pagiging botante.
Kung inactive, may lalabas na abiso kung bakit hindi maaaring bumoto sa darating na Mayo at kung ano ang dapat gawin.
"You cannot vote this coming May 12, 2025 Elections. Your record has been deactivated due to FAILURE TO VOTE IN 2 CONSECUTIVE REGULAR ELECTIONS. You would need to file an application for the reactivation of your registration during the next resumption of the system of continuing registration. Please wait for the announcement for the next schedule after the May 12, 2025 Elections.shows voter’s status if," saad sa lalabas na abiso.
Paalala ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, “Dapat eksakto ang pangalan. Dapat kumpleto ang pangalan and therefore, 'pag hindi kumpleto, hindi makikita ang records.”
“Minsan naman parang hindi ma-open ang precinct finder. May reason po diyan, ‘yan po ay part ng strategy na ma-counter ang any possible attempt na i-hack ang precinct finder,” dagdag niya.
Inaprubahan umano ng Department of Information and Communications Technology ang online precinct finder bago ito binuksan sa publiko.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Garcia na may mga ginawa silang hakbang para protektahan ang online precinct finder laban sa pag-atake ng mga hacker.
“Surely, they will attempt to hack our system…kasi nga po ang Comelec ang may pinakamalawak na data ng mga Pilipino sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan. May mga na-set up tayo na parameters at paraan to secure the precinct finder,” pagtiyak niya.
Noong 2022 elections, mayroon umanong 35 million hacking attempts laban sa precinct finder.
Ayon sa Comelec, mayroong 69,673,655 na rehistradong botante para sa 2025 national and local midterm elections hanggang noong Enero 23.
Gaganapin ang araw ng halalan sa Mayo 12, habang nagsimula nang makaboto ang mga overseas voter nitong Abril 13 na tatagal hanggang sa May 12.
Isasagawa naman ang pagboto ng mga local absentee voter sa Abril 28 hanggang Abril 30.-- FRJ, GMA Integrated News
For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.