Umalma ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa kawalan umano ng koordinasyon sa pulisya ng mga operatiba ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa pag-aresto sa isang Chinese national na maaari umanong humantong sa misencounter.

Una rito, inakala ng ilang saksi na dinukot ng mga armadong lalaki na nakasuot ng camouflage uniforms sa Pasig City ang isang Chinese national.

Nakadagdag din sa pagkabahala ng mga tao ang ginawang pagpapaputok ng baril ng mga armadong lalaki.

Nitong Biyernes, nilinaw ng NCRPO na "lehitimong" operasyon ng Bureau of Immigration (BI) at ISAFP ang isinagawang pagkuha sa naturang Chinese national na nagpapanggap umanong Pilipino at may mga nilabag na immigration laws.

Ayon naman sa BI, itinuturing banta sa national security ng bansa ang naturang Chinese dahil may mga ari-arian ito na ang ilan ay malapit sa mga "critical national infrastructure."

Gayunman, iginiit ng NCRPO na may mga pagkukulang sa naturang operasyon, kabilang na ang kawalan ng koordinasyon sa pulisya.

“More particularly, it appears that the coordination made was not in accordance with the standard and prescribed procedures,” ayon sa NCRPO.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing 32-anyos ang tinarget na Chinese citizen na gumagamit umano ng Philippine passport at nakarehistro na isang Filipino citizen.

Dahil sa nangyaring insidente na inakala ng mga saksi na kidnapping, napasugod din umano sa lugar ang mismong hepe ng NCRPO na Police Major General Anthony Aberin.

"Ang masaklap nito ay walang proper coordination na nangyari," ani Aberin, na batay umano sa impormasyon, ang BI lang ang nakipag-ugnayan at walang sinabing may kasamang armadong tauhan mula sa ISAFP.

Pinuna rin ni Aberin ang ginawang pagpapaputok ng baril ng mga operatiba ng ISAFP, na kung saan naka-recover umano ang SOCO ng mahigit 28 cartridge mula sa .56 mm rifle.

Kahit natapos na ang operasyon, wala pa rin umanong nagtimbre sa pulisya tungkol sa ginawang operasyon sa paghuli sa Chinese.

“Wala man lang sinabi na ‘legitimate operation ito’ o dumaan man lang sa nearest police station para hindi kami nababahala,” dagdag ni Aberin, na nagsabing maaring nauwi sa misencounter ang insidente dahil naglatag din sila ng dragnet operation nang araw na iyon upang maharang ang mga kumuha sa Chinese na inakalang kidnappers.

Nagsasagawa umano ng masusing imbestigasyon ang pulisya tungkol sa naturang insidente para alamin din kung may kapabayaan ang PNP unit sa naturang lugar.

“A comprehensive probe is ongoing and should pieces of evidence warrant, we will file appropriate criminal charges against the erring personnel of our partner-agencies, following due process of law,” ayon sa NCRPO chief. -- FRJ, GMA Integrated News