Lumilitaw na 55% o mahigit sa kalahati ng mga pamilyang Pilipino, ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap, batay sa resulta ng isang survey ng Stratbase at Social Weather Stations (SWS) para sa unang bahagi ng 2025.

Sa survey ng Stratbase-SWS, na isinagawa noong Abril 11–15, nakasaad na 12% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay nasa borderline o hangganan ng pagiging mahirap at hindi mahirap, habang 32% naman ang nagsabing hindi sila mahirap.

“The April 2025 percentage of Self-Rated Poor families of 55% was 3 points up from 52% in March 2025, rising steadily for four consecutive months since declining sharply by 13 points from 63% in December 2024 to 50% in January 2025,” ayon sa pahayag ng SWS.

Sa isang survey noong Disyembre 2024, lumabas na 63% ng mga Pilipino ang itinuring ang kanilang sarili na mahirap, 11% ang nasa hangganan, at 26% ang hindi mahirap

Ayon sa SWS, ang 3-puntos na pagtaas sa Self-Rated Poverty sa buong bansa mula Marso 2025 hanggang Abril 2025 ay dulot ng pagtaas sa Mindanao, Visayas, at Metro Manila, at bahagyang pagbaba sa Balance Luzon (o mga bahagi ng Luzon sa labas ng Metro Manila).

Batay sa datos noong Abril 2025, pinakamataas ang Self-Rated Poverty sa Mindanao na umabot sa 70%, sinundan ng Visayas na may 67%, Metro Manila na may 45%, at Balance Luzon na may 44%.

Kumpara sa Marso 2025, tumaas ang Self-Rated Poverty ng 10 puntos mula 60% sa Mindanao, 5 puntos mula 62% sa Visayas, at 4 na puntos mula 41% sa Metro Manila. Samantala, bahagyang bumaba ito ng 2 puntos mula 46% sa Balance Luzon.

Para sa mga pamilyang nasa borderline, halos walang naging pagbabago sa porsyento: mula 11% naging 10% sa Metro Manila, 11% naging 12% sa Balance Luzon, 13% naging 12% sa Visayas, at 13% naging 14% sa Mindanao.

Kasabay nito, bumaba ang bilang ng mga nagsabing hindi sila mahirap ng 11 puntos mula 27% tungo sa 16% sa Mindanao, 4 na puntos mula 25% tungo sa 21% sa Visayas, at 3 puntos mula 48% tungo sa 45% sa Metro Manila. Samantala, halos hindi nagbago ito sa Balance Luzon, mula 43% naging 44%.

Isinagawa ang Stratbase-SWS National Survey noong Abril 11–15, 2025, sa pamamagitan ng personal na panayam sa 1,800 rehistradong botante sa buong bansa: 300 sa Metro Manila, 900 sa Balance Luzon, 300 sa Visayas, at 300 sa Mindanao.

Ang margin of error ng survey ay ±2.31% para sa kabuuang bansa, ±3.27% para sa Balance Luzon, at ±5.66% bawat isa para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. — FRJ, GMA Integrated News