Dead on the spot ang isang 46-anyos na lalaki matapos na siya ay walang habas na pagsasaksakin sa Sampaloc, Maynila nitong Martes ng umaga.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 447, kita ang biktima na kinilalang si alyas Rod na nakaupo kasama ang kanyang kapatid na si alyas Mike.

Maya-maya, isang lalaking naka-motor ang dumating ang pumarada sa lugar.

Naglakad papalayo ang lalaki habang nagce-cellphone at may bitbit na speaker.

Makalipas ang ilang minuto, lumapit sa biktima ang suspek at hinataw ito ng bitbit niyang speaker.

Sinipa niya rin ito at saka dumukot ng patalim sa kanyang bewang.

Ilang beses pang inambahan ng suspek ang biktima bago niya ito tuluyang pinagsasaksak.

Natumba ang biktima at sinubukan pang lumaban pero hindi nakuntento ang suspek at itinarak sa ulo ng biktima ang hawak niyang patalim.

Dito na tuluyang humandusay ang biktima, habang ang kapatid naman niya, tumakbo raw palayo.

Kinagabihan, nahuli ng mga pulis si alyas Mike, ang kapatid ng biktima, matapos umanong mag-amok nito sa tapat ng barangay hall at tangkain pang saksakin ang isang kagawad.

Ayon kay alyas Mike, pang-self defense niya ang mga dalang kutsilyo na nakuha sa kanya.

Nagpadala raw ng text message ang suspek at humingi ito ng pasensiya sa kanyang ginawa. Pero karugtong nito ang banta na iisa-isahin ang kanilang pamilya sa oras na gumanti sila.

Ayon kay alyas Mike, ang suspek ay nakatrabaho ng kanyang kapatid sa pagkakabit ng mga poster para sa eleksyon.

Pinatira pa raw ng biktimang si alyas Rod ang suspek sa kanyang bahay sa loob ng isang buwan.

Pero nagkaroon ng sama ng loob ang suspek matapos siyang palayasin ng biktima dahil umano sa paggamit ng ilegal na droga.

Patuloy ang backtracking ng mga awtoridad para mahuli ang suspek sa krimen. —KG, GMA Integrated News