Sa kulungan ang bagsak ng isang 36-anyos na lalaki matapos halayin ang menor de edad na kapatid ng kaniyang live-in partner sa Valenzuela City. Kaniyang depensa, ginusto rin ito ng biktima.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing subject ang lalaki ng arrest warrant dahil sa two counts ng paglabag sa Article 266-A ng Revised Penal Code o rape in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sinabi ng pulisya na taong 2020 nang makasuhan ang lalaki. Edad 16 lang noon ang biktima.

"Since 2017 ay nagkakaroon na ng pangmomolestiya dito sa menor de edad na biktima. So naulit ulit noong August ng 2020. Nagsumbong na itong biktima sa nanay nila at nag-lodge na sila ng complaint against dito sa then suspect na ngayon ay accused na nga," sabi ni Valenzuela City Chief of Police Police Colonel Nixon Cayaban.

Nakapiit ngayon ang suspek sa custodial facility ng Valenzuela City Police Station.

"Sa totoo lang, gusto niya rin 'yung nangyari noong panahon na iyon. Siyempre parang dala na lang din ng... natukso na lang din. Sa tingin ko may galit din kasi 'yun sa magulang ko eh, kasi noong time na 'yun nag-away 'yung nanay ko tsaka siya," sabi ng akusado.

Nakapag-return of warrant na ang mga awtoridad at hinihintay na lang ang commitment order galing sa korte. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News