Inihayag ni Cebu Gov. Gwendolyn "Gwen" Garcia na hindi siya aalis sa puwesto sa kabila ng suspension order mula sa Office of the Ombudsman. Ang gobernadora, susulat sa Department of Interior and Local Government (DILG) para linawin ang legalidad ng kautusan laban sa kaniya.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, sinabing nakadikit sa pinto ng Office of the Governor sa kapitolyo ng Cebu ang kautusan mula sa Ombudsman na nagsususpinde kay Garcia ng anim na buwan.

Ang suspensiyon ay dahil ito sa umano'y "grave abuse of authority" ni Garcia sa pagbibigay ng special permit sa isang construction company nang walang legal na basehan.

Inilabas ang naturang kautusan ng Ombudsman 14 araw bago ang May 12 midterm elections. 

Tumatakbo muli si Garcia bilang gobernador ng Cebu, na isa sa mga lalawigan na may pinakamaraming botante sa Pilipinas.

Sa press briefing na kasama ang kaniyang mga abogado, sinabi ni Garcia na susulat siya kay DILG Sec. Jonvic Remulla, para linawin ang legalidad ng kautusan ng Ombudsman.

Ang DILG, sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP) ang nagpapatupad ng suspension order sa mga lokal na opisyal.

“Pending resolution of my query, I have decided to stay put in office and continue to serve as the governor of this great province of ours,” ayon kay Garcia.

“I will continue to serve the Cebuanos in the best possible way that I can within the bounds of law,” patuloy niya.

Kinuwestiyon ng kaniyang mga abogado ang legalidad ng kautusan ng Ombudsman na lumalabag umano sa Omnibus Election Code at Local Government Code, dahil hindi na umano maaaring magsuspinde ng lokal na opisyal sa panahon ng halalan.

"Under section 62 C sa Local Government Code no preventive suspension shall be imposed within 90 days prior to the election," ayon kay Atty. Anthony Avisado.

Idinagdag niya na nakasaad naman sa isang resolusyon ng Commission on Elections (Comelec) na walang public official ang maaaring suspendihin nang written approval mula sa komisyon. -- FRJ, GMA Integrated News