Napurnada ang isa sa mga pinaka-inaabangang bahagi ng Balikatan Exercise 2025 na pagtarget at pagpapalubog sa decommissioned warship na dating BRP Miguel Malvar (PS-19) dahil lumubog na kaagad ito sa karagatang sakop ng Zambales bago pa man asintahin.
Sa joint statement, inihayag ng Philippines at United States armed forces, na lumubog ang ex-BRP Miguel Malvar (PS-19) dakong 7:20 a.m. matapos itong mahatak at ipuwesto sa layong 30 nautical miles west mula sa bayan ng San Antonio.
“No personnel were injured,” saad sa pahayag kaugnay sa hindi inaasahang pangyayari.
Bago hatakin ang 915-toneladang corvette sa operational area, sumailalim muna ang barko sa environmental cleaning at paghahanda sa gagawin sanang pagtarget dito.
Napili ang 81-anyos na barko na gamitin sa target exercise dahil nalampasan na nito ang kaniyang service life at hindi na puwede pang gamitin sa normal na operasyon.
Ayon sa organizers, hindi nagbabago ang maritime strike bilang bahagi ng Balikatan command post exercise ngayong taon at magsasanay ang mga tropang Amerikano at Pilipino sa mga virtual at constructive na fire missions.
“The training will integrate ground, maritime, and air-based sensors and shooters into a combined, joint fires network, as the Philippine and U.S. joint task forces exercise command and control while increasing combined warfighting capability,” anang opisyal.
“Elements of the scheduled MARSTRIKE live-fire event will occur and the combined force will still achieve its training objectives,” dagdag niya.
Nagpaalala naman ang awtoridad na nananatili ang Notice to Mariners and Notice to Airmen sa paligid ng pagdarausan ng aktibidad. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News

