Nilinaw ni Dustin Yu ang lumabas na mga post na umano’y nasa Thailand siya kasama si Bianca De Vera.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, naging bisita si Dustin, kasama ang mga co-star sa series na "Secrets of Hotel 88" na sina Ralph De Leon at River Joseph.

Pabirong tinanong ni Tito Boy si Dustin kung totoo na nagtungo sila ni Bianca sa Thailand at nag-“honeymoon.”

"Tito, anong honeymoon? Hindi, tito, baby pa po kami," natatawang tugon ni Dustin.

"You did go to Thailand, we saw the posts," tanong ulit ni Tito Boy. 

Sagot naman ni Dustin, "Posts? Parang wala naman."

Dagdag pa niya, "Kasi tito marami kasi ako kamukha na —maraming nagsasabi na ako daw 'yun, pero sa totoo lang kamukha ko lang 'yun."

Ayon kay Dustin, totoo na nakapunta na siya sa Thailand pero dalawang taon na ang nakalilipas.

"Kasama mo si Bianca?" tanong muli ni Tito Boy.

"Noon, hindi," natatawang sabi ni Dustin.  

Bukod kina Dustin, Ralph, at River, ang iba pang dating housemates sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" Season 1 na kasama sa "The Secrets of Hotel 88" ay sina Bianca, Brent Manalo, Will Ashley, Mika Salamanca, Xyriel Manabat, Kira Balinger, Josh Ford, AZ Martinez, Klarisse de Guzman, at Esnyr.

Ang “Secrets of Hotel 88" na isang family-mystery drama teleserye ay kabibilangan din nina Ina Raymundo, Dominic Ochoa, at Gardo Verzosa, na mapapanood sa GMA Network, simula sa March 2. —FRJ GMA Integrated News