Dalawa katao ang patay at pito ang sugatan sa pamamaril sa harapan ng political headquarters ng isang grupo sa Silay City, Negros Oriental.
Ayon kay Police General Arnold Ibay, Regional Director ng Police Regional Office Negros Island Region, naganap ang insidente sa Barangay Mambulac.
"Siyam po ang victims natin dito, dalawa po ang dead on arrival. Injured po yung pito... meron po tayong tinamaan na siyam wherein 'yung dalawa po ay namatay po, dead on arrival. At 'yung isa pong suspect ay na-identify na po natin na isa pong barangay captain," sabi ni Ibay.
Itinuturing daw na "election-related" o may kaugnayan sa eleksyon ang insidente dahil barangay captain ang suspek at naganap ito sa mismong araw ng Eleksyon 2025.
Nagsasagawa na ng manhunt operation laban sa suspek at kanyang mga kasamahan.
Lima ang mga inisyal na bilang ng mga sugatan, base sa naunang pahayag ng mga awtoridad.
Samantala, nagpapatuloy ang botohan sa Negros Island region, at ito pa lamang daw ang insidenteng iniimbestigahan ng pulisya sa lugar.
"So far, wala pong ibang major incidents all over Negros Island region including Siquijor," sabi ni Ibay. — VDV, GMA Integrated News
