Isang lalaki ang sugatan matapos pagsasaksakin ng tatlo niyang mga katrabaho nang dahil umano sa selos sa Bacolod City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang pananaksak sa biktima sa parking lot na kaniyang pinagtatrabahuhan sa Barangay Singcang Airport.

Nagtamo siya ng sugat sa iba't ibang parte ng katawan, at kasalukuyang nagpapagaling sa bahay ng kaniyang kaanak.

Hindi nagbigay ng pahayag ang biktima.

Nahaharap sa reklamong frustrated homicide ang tatlong salarin, na patuloy na tinutugis ng mga awtoridad. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News