Isang dog training facility sa Marikina City ang ipinasasara matapos mamatay ang dalawang asong iniwan sa kanilang pangangalaga. Ang establisimyento, napag-alamang hindi rehistrado at “red flag” ang pagpapaiwan nila sa mga tine-train na aso.

Sa ulat ni Katrina Son sa Unang Balita nitong Huwebes, ipinakita ang nag-viral na social media posts ng fur parents na sina Karla at Sandy, kung saan inilahad nilang namatay ang kanilang mga alagang aso habang nasa pangangalaga ng naturang dog training facility.

Bago nito, ipina-train ni Karla ang kaniyang mga alaga noong Pebrero, habang Marso naman nang ipasok ni Sandy ang kaniyang dalawang Standard Poodle.

“Pina-train po namin 'yung aso para po sana matuto magpa-potty train at saka po sana po matuto ng mga konting tricks,” sabi ni Karla.

Dalawang buwan ang dog obedience training, at kinakailangang iwan sa training facility ang mga alaga. Maaari naman silang dalawin isang beses kada linggo.

Nagbibigay pa ng update noong una sa kanila ang may-ari ng facility. Ngunit kalaunan, nahirapan na ang mga may-ari na makahingi ng impormasyon tungkol sa kaniyang mga aso.

“Nalaman lang po namin, naka two weeks na po siguro, doon po namin nalaman na nilipat niya po 'yung aso namin sa Los Banos nang hindi po sa amin sinasabi,” sabi ni Karla.

Hanggang Abril 20 lang dapat ang training sa mga aso ni Karla, at hanggang Mayo 6 naman ang kay Sandy. Ngunit panay ang hiling ng extension ng may-ari ng pasilidad.

Nang puntahan ni Sandy ang pasilidad, doon na siya sinabihan na patay na ang isa sa kaniyang alaga.

“Tinanong po namin siya na ‘Bakit ngayon mo lang sinabi, ilang days na pala patay?’ Wala siyang masabi na rason. Puro sorry lang po 'yung sinasabi niya sa akin,” sabi ni Sandy.

“'Yung tao ko po kasi.’ Ganu’n lang lagi niyang sinasabi. ‘Nilibing na po namin ng tauhan ko po 'yung mga aso,’ kasi takot na takot daw po siya. Hindi niya daw po alam kung anong gagawin,” sabi pa ni Sandy.

Hanggang sa matuklasan ni Karla na namatay ang isa rin sa kaniyang mga alaga.

“Pumunta po siya sa bahay and sinabi po niya ‘yun noong May 17 na po. And then sinasabi niya po na May 12 daw po namatay 'yung aso,” sabi ni Karla.

Ayon sa may-ari ng pasilidad, namatay ang mga aso sa heat stroke, bagay na hindi pinaniwalaan nina Karla at Sandy.

“Hindi po siya mukhang heat stroke kasi madugo po 'yung tulo. Wala na siyang snout. Hindi mo na makita 'yung ulo ng aso,” sabi ni Karla.

Inihayag ng Philippine Animal Welfare Society o PAWS ang pagkondena sa sinapit ng mga aso.

“Ito pa ang mga actual acts of torture or cruelty, they are already additional violations and we are in touch with the owner of the dog, we are trying to convince her to submit the affidavit as soon as possible so that we can file the charges,” sabi ni Atty. Anna Cabrera, Executive Director ng PAWS.

Sinabi  naman ng Animal Kingdom Foundation (AKF) na maituturing red flag kung pinapaiwan ang mga asong tini-train. Sa halip, mainam na kasama ang owner para alam mismo kung paano i-execute ang mga command.

“Masakit din po. I think when we heard about the narrative kung paano nangyari ‘yun, mas shocking. Kasi hindi siya basta-basta ang facility, it's an animal facility actually. It's a training facility,” sabi ni Atty. Heidi Marquez-Caguioa, Program Director ng AKF.

Nakausap ng PAWS ang Bureau of Animal Industry, na saklaw ang mga pet training facility.

“Hindi sila registered with the Bureau of Animal Industry. So technically they are already in violation of the Animal Welfare Act,” sabi ni Atty. Cabrera.

Dahil dito, hiniling ng PAWS sa Marikina LGU na agad ipasara ang naturang facility.

Balak ding maghain ng reklamo sina Karla at Sandy tungkol sa sinapit ng kanilang mga alaga.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng training facility pero sarado ito at hindi rin sinasagot ang mga tawag. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News