Inihayag ng motorcycle vlogger na si Yanna na tinatanggap niya ang naging parusa sa kaniya ng Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa nangyaring pakikipagsagutan niya sa isang pickup driver sa Zambales.

“I accept the sanction imposed - even in the absence of substantial evidence directly proving fault on my end. It’s worth noting, too, that this involved a trail bike. I hope this opens up further clarification on where law enforcement begins and where it ends,” saad ni Yanna Aguinaldo sa email na ipinadala sa GMA News Online.

Nitong Miyerkoles, inilabas ng LTO ang pitong pahinang desisyon na nagpapataw ng parusa kay Yanna matapos siyang hatulang "guilty" sa reckless driving at pagmamaneho ng motorsiklo na walang mga side mirror.

Inabsuwelto naman siya sa kawalan ng plate number ang motorsiklo na ginamit niya sa naturang insidente na sinasabi niyang hiniram lang niya.

Pinagmumulta si Yanna ng P5,000 dahil sa paggamit ng motorsiklo na walang side mirrors, at P2,000 para sa reckless driving.

Suspendido rin ang lisensiya niya habang hindi niya dinadala sa LTO ang naturang motorsiklo. 

Samantala, sinuspinde rin at pinapakumpiska ang license plate sa motorsiklo na nakapangalan sa kaniya.

"All law enforcement officers were also directed to apprehend Yanna Motovlog if in case she is found driving on public roads until such time that the suspension on her driver’s license is lifted," ayon sa pahayag ng LTO nitong Miyerkoles.

Sa naturang pagdinig ng LTO sa ipinalabas na show cause order laban sa kaniya, hindi dumalo si Yanna.

“That said, I’ve chosen not to contest the decision-not because I agree with the process, but because I value moving forward with integrity over prolonging noise. If there’s a silver lining, it’s this: the LTO has shown it can pay attention,” ayon sa motovlogger.

Hinikayat din niya ang LTO na tingnan ang umano'y “more pressing, long standing issues that truly compromise public safety on a daily basis.”

Kabilang sa mga usapin na binanggit niya ang unregulated, overloaded trucks sa provincial highways; illegally parked vehicles na nakaharang sa mga emergency lane; kawalan ng pedestrian infrastructure sa mga high-risk zone; unmarked road hazards gaya ng mga nakabukas na manholes at broken barriers; at mga motorista na nakapagmamaneho nang walang lisensiya.

Nag-ugat ang imbestigasyon ng LTO dahil sa video na nag-viral na ini-upload mismo ng motovlogger na makikitang nakikipagsagutan siya sa isang pickup driver na nakasabay niya sa isang daanan na malubak sa Zambales.

Humingi ng paumanhin si Yanna sa driver sa hiwalay na video na ipinost niya, at nagpadala rin ng apology letter sa pagdinig ng LTO na hindi niya sinipot.-- mula sa ulat ni Vince Angelo Ferreras/FRJ, GMA Integrated News