Naiuwi na sa Pilipinas si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na itinuturong utak sa pagpatay kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo, matapos siyang i-deport ng Timor-Leste kung saan siya nag-apply ng asylum.
Lumapag sa Davao City ang sinakyang eroplano ni Teves mula sa Timor-Leste dakong 7:40 p.m. nitong Huwebes ng gabi para sa stopover, papuntang Maynila.
Sa video statement, inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ang pagbabalik ni Teves sa bansa, at sinabing panahon na para harapin niya ang hustisya.
"As we know, the former congressman Arni Teves is facing charges of murder and other crimes related to the ambush killing of the former governor Degamo. We would like also to assure our citizens that such lawlessness will not go unpunished," ayon sa pangulo.
"It is now time for Arnie Teves to face justice," sabi pa ni Marcos.
Ayon kay Marcos, sinabihan siya niTimor-Leste Prime Minister Xanana Gusmao na handa na ang Timor-Leste na pauwiin ng Pilipinas si Teves.
"This would not have happened without the assistance of President Horta and Prime Minister Gusmao of Timor-Leste. They have been working very hard to bring this to conclusion," ani Marcos.
TIMELINE: Degamo killing and murder raps vs. Arnie Teves
Una rito, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na posibleng idetine si Teves sa National Bureau of Investigation (NBI) para na rin sa kaniyang seguridad.
Nahaharap si Teves sa kasong murder, frustrated murder, at attempted murder kaugnay sa pagkamatay ni Degamo at 10 iba pa noong Marso 2023 sa bahay ng dating gobernador sa Pamplona, Negros Oriental.
May hiwalay pang kaso na kinakaharap si Teves kaugnay sa umano'y pagpatay sa tatlong tao sa Negros Oriental noong 2019.
Itinanggi ni Teves ang mga paratang laban sa kaniya.
Sinabi naman ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, na gagamitin nila ang lahat ng legal avenues upang ipagtanggol ang kanilang kliyente.
“Nananalig po kami na wala siyang kasalanan and that kami po ngayon ay maaari na mag participate sa hukuman with the other co-counsels in order to take an active role in the proceedings,” saad ni Topacio sa nauna nitong pahayag.— mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/Vince Angelo Ferreras/FRJ, GMA Integrated News
