Sugatan ang isang Indian national nang pasukin siya sa bahay ng dalawang suspek at holdapin sa Malabon. Nanlaban ang biktima hanggang sa labas ng bahay at doon na siya binaril ng isa sa mga suspek.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa Barangay Tugatog ang pagdating at pagpasok sa bahay ng 36-anyos na dayuhan.

Ilang saglit lang, dumating ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo na tumigil sa tapat ng bahay ng biktima at pumasok ang mga ito.

Hindi na nakita sa camera pero hinoldap umano sa loob ng bahay ang Indian national pero nanlaban ito kaya napaatras palabas ang dalawang suspek.

Gayunman, hinabol pa rin sila ng biktima na may hawak na helmet at doon na siya binaril at tinamaan sa braso.

Kahit sugatan, patuloy pa rin siya sa paghabol sa mga suspek na napatakbo at iniwan na ang motorsiklo.

Pero nang pumasok na sa bahay ang biktima, binalikan ng dalawang suspek ang kanilang motorsiklo na itinulak na lang nila sa kanilang pagtakas.

Ayon kay Police Major General Anthony Aberin, hepe ng NCRPO, may dati nang kasong robbery ang dalawang suspek, at isa sa kanila ang kabilang sa most wanted ng Malabon Police.

Sinabi ni Aberin na mga Indian national umano ang tinatarget ng mga suspek na karaniwang inaabangan nila sa gilid ng kalsada.

Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto ang dalawang suspek na mahaharap sa reklamong attempted murder at frustrated robbery.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang dalawang suspek.

Sasailalim naman sa operasyon ang kanilang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa braso. --FRJ, GMA Integrated News