Susuriin muna ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. ang magiging epekto sa ekonomiya ng mga ipinasang panukalang batas ng Kongreso para itaas ang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Inihayag ito ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Huwebes, na sinabi ring nais ni Marcos na maibigay ang pinakabuti sa mga manggagawa.
''Ito lamang po ang mensahe ng Pangulo, 'We will look at the economic implications of this and how to resolve this with the opinion of the wage boards since the wage boards are also the creations of the Congress,''' ayon kay Castro.
''Nais po ng Pangulo na maibigay kung ano po ang makakabuti sa manggagawang Pilipino,'' dagdag pa ni Castro sa press briefing.
Sinabi pa ni Castro na pakikinggan din ng pangulo ang panig ng mga stakeholder tulad ng mga employer at mga negosyante.
Nitong Miyerkules, inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na dagdagan ng P200 ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa private sector.
Mas mataas ito sa P100 na nauna nang ipinasa sa Senado.
Dahil sa magkaibang bersiyon, isasalang ang dalawang panukala sa bicameral conference committee hearing ng Kamara at Senado para maging magkatugma.
Kapag naaprubahan na ng Kamara at Senado ang napagkasunduang bersiyon, ipapadala na ito sa Palasyo para desisyonan ni Marcos kung pagtitibayin para ganap na maging batas, o ibabasura sa pamamagitan ng kaniyang veto power.
Ayon kay Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma, isasalang sa bicameral meeting hearing ang mga panukala sa susunod na linggo.
''Only then will we understand the specific role of the DOLE and the RTWPBs and how minimum wage adjustments will be handled going forward,'' saad ni Laguesma sa GMA News Online.
Pangamba ni Laguesma, kapag nagkaroon ng malaking dagdag sa minimum wage, posibleng magdulot ito ng ilang usapin sa sektor ng pagggawa. Ilang kompanya ang maaaring hindi umano makasunod sa batas, at posibleng madagdagan ang mga mawawalan ng trabaho.
Posibleng may negatibo ring epekto ito sa paglago ng ekonomiya at antas ng employment na nakapaloob sa Department of Economy, Planning, and Development's macroeconomic analysis.
Kabilang din sa maaaring maapektuhan ang paghikayat sa mga bagong mamumuhunan, habang ang mga nagnenegosyo na ay posibleng hindi na palawakin ang kanilang negosyo, ayon kay Laguesma.
''This is because the wage-setting authority could be exercised by two bodies: Congress and the RTWPBs,'' dagdag ng kalihim. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

