Nahuli-cam ang isang motornapper na itinutulak ang ninakaw niyang motorsiklo papunta sa talyer para magpagawa ng bagong susi sa Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa video na tila nasiraan o naubusan lang ng gas ang isang lalaki habang itinutulak motorsiklo sa bahagi ng Juan Luna sa Maynila.

Pero ayon sa 22-anyos sa tunay na may-ari ng motorsiklo, ipinarada niya ang kaniyang sasakyan sa bahagi ng Alvarado Street sa Divisoria para maghatid ng mga parcel sa isang mall.

“Mga 50 minutes lang po simula pagdating ko nawala ‘yung motor ko. Alam ko inilipat lang gano'n. Tapos wala na po hanggang sa nagpa-review na po ako ng CCTV,” sabi ng biktimang si Justine Serrano.

Base sa backtracking ng pulisya, makikita ang salarin na itinutulak ang motor ng biktima mula sa isang bahagi ng Alvarado Street patungo ng Juan Luna at naghahanap umano noon ng pagawaan ng susian.

Ayon sa biktima, nakarating ang suspek hanggang sa may pagawaan ng susian sa United Nations ngunit sarado ito. Hanggang sa nakaabot ito sa San Andres Complex at doon tagumpay na nakapagpagawa ng bagong susi.

Sa CCTV ng mismong motor shop, makikita pa ang suspek na agad ipinarada ang motor ng biktima.

Napaniwala umano ng suspek ang mga mekaniko roon na nasira ang kaniyang susian at kinakailangan niya pang mag-deliver kaya agad itong napalitan.

Huling nakita ang lalaki na sakay ng motor ng biktima sa bahagi na ng Buendia sa Pasay City.

Naiulat na sa Manila Police District o MPD ang insidente at patuloy na hinahanap ang suspek sa video.

Umaasa ang biktima na mababawi pa ang kaniyang motorsiklo lalo at mahigit na dalawang taon niya pa itong huhulugan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News