Kumislap at sumiklab ang isang kawad ng kuryente matapos na may magtapon umano ng isang plastic ng basura mula sa isang gusali sa bahagi ng Kalayaan Avenue, Makati City.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente bago mag-8 p.m. ng Biyernes, kung saan napatigil ang mga motorista.

Dahil dito, nagkalat ang mga nadurog na debris ng porcelain insulator mula sa nagliyab na poste. Agad kinurdon at isinara sa mga motorista ang lugar.

Sinabi ng pulisya na bahagyang sugatan sa insidente ang isang magkaangkas.

“Ang unang bato sa namin transformer daw ang sumabog, ang pumutok. According to the BFP na nagresponde, ang sabi is, upon checking sa kable ng wire, sabi nila luma na raw, sir, or worn out na raw,” sabi ni Police Captain Philadiane Clemeña, OIC at Sub-station 6 commander ng Makati City Police.

Nakitang sanhi ang isang plastic ng basura sa high tension wire ng kalapit na poste na naging dahilan para pumalya ang linya ng kuryente.

''Ang talagang pinanggalingan lang ito sa pananaw namin at sa initial na imbestigasyon namin ay ‘yung basura na itinapon mula doon sa condominium unit. ‘Yun ang puno’t dulo ng problema. Hindi po ‘yung worn out na sinasabi, wala naman po kaming facility na worn out,” sabi naman ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.

Dagdag ng Meralco, umabot ng pitong oras ang pagsasaayos bago naibalik ang supply ng kuryente sa lugar sa mga naapektuhang residente at establisimyento sa Barangay Poblacion.

Patuloy na inaalam kung ilang bahay at establisimyento ang apektado.

Ayon sa pulisya, patuloy ang beripikasyon tungkol sa tao na maaaring naghulog ng basura papunta sa high tension wire.

“‘Pag meron tayong napatunayan sir na taong nagbato ng basura, at the same time, we will file appropriate criminal charges against them,” sabi ni Clemeña. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News