Timbog ang tatlong babae na mga miyembro umano ng Salisi Gang matapos silang mambiktima sa Don Fabian Street, corner Commonwealth Avenue sa Quezon City. Ang dalawang cellphone ng mga biktima, nabawi.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing dalawang government employee na papasok sa trabaho ang biniktima ng mga kawatan noong Lunes ng umaga.
Ayon kay Police Major Jerryzaldy Tugbo, Deputy Station Commander ng Batasan Police, nag-aabang ng masasakyan ang mga biktima nang kunin ng mga suspek ang kanilang mga cellphone, ngunit nakita ito ng mga bystander.
Agad namang nakahingi ng tulong ang mga biktima at may responde agad ng mga pulis.
Nabawi mula sa mga suspek ang ninakaw nilang dalawang cellphone.
Sa police station, natuklasan ng mga awtoridad na may warrant of arrest din ang isa sa mga suspek na 42-anyos para sa kasong theft na inisyu ng Metropolitan Trial Court sa Quezon City. Isinilbi ito sa kaniya ng mga awtoridad.
Batay sa pulisya, dayo lang ang mga kawatan na mga taga-Caloocan at Bulacan, na nambibiktima ng mga pasahero ng pampublikong sasakyan.
“Sinasabayan nila itong mga biktima natin. 'Yung dalawang babae, didikitan ‘yung biktima then after na madikitan, ‘yung isa naman ang kukuha ng cellphone then ipapasa niya na doon sa kasamahan niya. Itong grupo na ‘to ay nag-ooperate sa Quezon City, Caloocan, Bulacan, and sa Manila,” ayon kay Tugbo.
Batay sa tala ng mga awtoridad, ilang ulit nang nabilanggo ang mga suspek dahil sa pagnanakaw. Ika-anim na beses nang nadakip ng 42-anyos na suspek, samantalang ikatlong beses nang nahuli ang dalawang kapwa 39-anyos.
Umamin ang mga suspek sa krimen.
Nahaharap sa reklamong theft ang tatlong suspek habang patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang ikaapat nilang miyembro. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News
