Lusot na sa isang kaso si Pura Luka Vega, o Amadeus Fernando Pagente ang tunay na pangalan, matapos siyang pawalang-sala ng Manila Regional Trial Court.
Sa 20-pahinang desisyon na may petsang June 10, inabsuwelto ng Manila RTC Branch 184 si Pura Luka sa kasong paglabag sa Article 201 (2)(b)(3) at (2)(b)(5) ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175).
Patungkol ang Article 201 sa "immoral doctrines, obscene publications and exhibitions, and indecent shows."
Si Judge Czarina Samonte-Villanueva ang nagponente ng desisyon.
“Wherefore, premises considered, for failure of the prosecution to establish guilt beyond reasonable doubt, Amadeus Fernando Pagente, also known as Pura Luka Vega, is hereby acquitted for violation Article 201 (2)(b)(3) and (2)(b)(5) of the Revised Penal Code, in relation to Republic Act 10175," saad sa desisyon.
Sa kaniyang post sa X (dating Twitter), nagpahayag ng pasasalamat si Pura Luka sa naging desisyon, “Thank you for this wonderful news."
"One more case left. Laban lang,” saad ng drag artist.
Nakasaad din sa desisyon ng korte na, “Though the prosecution fell short of the required quantum of proof in the prosecution of the criminal case, the Court takes this opportunity to remind Pura Luka to be circumspect in his choice of medium or subject of his performances as a drag artist taking into account the society he belongs to. It is basic in the concept of social coexistence."
“This is not to curtail his freedom or rights nor to regulate his acts to belong to a presumed majority but more to be compassionate on the community as a whole, especially with the accessibility of social media which makes it easy to record, upload and circulate materials which are readily available for consumption of the public," dagdag nito.
Iniutos din ng korte na ibalik na ang piyansa ni Pura Luka na P72,000 para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Agosto 2023, nang sampahan ng reklamo ng Hijos Del Nazareno, mga deboto ng Itim na Nazareno, si Pura Luka Vega dahil sa nag-viral niyang "Ama Namin" drag performance, habang nakabihis na tila si Hesus noong July 2023.
Reklamo ng grupo, ang ginawa ni Pura Luka Vega ay "acts and actuations constitute a direct attack on our Lord, our God and savior, Jesus Christ."
Bukod sa mga kaso, idineklara rin siyang persona non grata sa ilang lugar gaya ng Maynila, Cebu City, General Santos City, Laguna, at ilan pang lugar. — mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ, GMA Integrated News