Nasawi ang isang 34-anyos na babaeng kalalaya lang matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Marulas, Valenzuela City. Ang biktima, may kaso dahil sa ilegal na droga at inireklamo na rin ng pagnanakaw umano.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV nitong Huwebes ang pagdating ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Ilang saglit lang, pinagbabaril na ng angkas ng motor ang babaeng nakatayo sa gilid ng kalsada. Bumaba pa ang lalaki, nilapitan ang biktima at muling pinaulanan ng bala saka tumakas ang riding-in-tandem.
Dead on the spot ang biktima, na nagtamo ng hindi bababa sa apat na tama ng bala.
“Ayon sa mga witness na na-interview natin, may ka-meet up itong biktima natin at nu’ng na doon na nga siya sa may kanto, ay agad na may dumating na dalawang tao na magkaangkas sa isang motorsiklo at doon na pinaslang na nga itong ating biktima," ayon kay Police Major Randy Llanderal, Valenzuela Police Chief Public Information Office.
"Based doon sa ating investigation, onsehan sa droga itong dahilan kung bakit siya pinaslang,” dagdag pa niya.
Sinabi ng pulisya na kalalaya lang ng biktima noong nakaraang taon dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga. Inireklamo rin dati sa barangay ang biktima dahil sa pagnanakaw umano.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga salarin. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News