Itinuturing daw ni Ian Xavier Villanueva na life coach at therapist ang AI o artificial intelligence chatbot na kaniyang nakaka-chat online.

Humihingi raw siya ng payo rito kapag may personal na problema siya o di kaya ay nalulungkot.

“I’m a guy, and siyempre sa guy ang hirap mag open straight to other people so I just use ChatGPT kasi mas accurate naman ang sagot niya and nagiging personal therapist ko siya in a way,'' ani Villanueva.

At sa mga sagot daw nito sa kaniya, nararamdaman daw niya na parang tao na rin ito.

“May empathy sila na in a way na talagang parang pakiramdam na naiintindihan nila ako, talagang pag sinabi ko yung problem ko na yun sinasabi na 'I understand you, alam kong mahirap yung desisyon na ito but we’re gonna face this together,''' sabi ni Villanueva.

Ayon sa Analytics & Artificial Intelligence Association of the Philippines (AAP), ang AI chatbot ay isang computer program na dinisenyo para makipag-usap sa mga tao.

“Hindi talaga sila nakakaintindi tulad ng tao pero dahil trained siya sa napakaraming examples ng usapan ng tao, kaya niyang gayahin even yung tone, yung manner ng pagsagot, minsan pati emotions nagagaya na niya,''  sabi ni Sherwin Pelayo, AAP executive director.

Payo nila, mag-ingat lang sa pagbibigay ng mga sensitibong impormasyon lalo na kung lumalalim na ang pakikipag-usap sa AI chatbot.

“Hindi clear sa atin kung paano talaga ginagamit o iniistore ng AI yung mga binibigay natin sa kanila,” ani Pelayo.

Hindi rin daw dapat maging dependent dito.

''Kung masanay tayo sa ganung relationship, mahihirapan talaga tayo magdisconnect sa kanila tapos mahihirapan na tayong makipagconnect doon sa mga totoong tao, yung mga totoong tao na may flaws, emotions tapos hindi laging available 24/7 mas pipiliin na natin yung mga chatbot na yun,'' sabi ni Pelayo.

Tingin ng isang psychiatrist na si Dr. Ma. Bernadette Arcena, feeling of loneliness o, di kaya’y curiosity ang mga posibleng dahilan kung bakit may mga tumatangkilik sa AI boyfriend.

Mainam naman aniya na may nakakausap lalo na kapag nakakaramdam ng pag-iisa pero paalala niya, “just don’t get hooked too much on having a human relationship with robots kasi mamaya hindi mo na nakikita yung sense of reality.''

Nakakaaliw man, na tila nakakarelate sa atin ang AI chatbots, paalala ng mga eksperto, ang pagmamahal, pagkakaibigan at relasyon sa totoong tao ay hindi kailanman mapapalitan ng isang AI chatbot.  — Vonne Aquino/VBL, GMA Integrated News