Isang taxi ang nayupi ang bubong matapos itong mabagsakan ng container mula sa isang trailer truck na sumabit sa footbridge sa Abad Santos Avenue sa Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang kuha ng CCTV na pakaliwa sana ang taxi papunta sa Recto Avenue pasado 12 a.m.

Ngunit ilang saglit lang, isang trailer truck ang dumaan at sumabit ang container nito sa footbridge.

Kahit na walang laman ang container, makikita na napipi ang bubong ng taxi.

Ayon sa 60 anyos na taxi driver na si Lito Sinco, kabababa lang halos ng kaniyang mga pasahero at pauwi na sana siya sa Taytay, Rizal.

“Ipinasa-Diyos ko na lang eh. Akala ko nga magtutuloy-tuloy 'yung pagbagsak ng container eh. Para akong natulala eh. Pagbaba ko nga, ramdam ko 'yung tuhod ko nanginginig kasi nga biro mo, ang laki-laki nu’n eh. Pumatong sa ibabaw ng taxi,” sabi ni Sinco.

Pasado 2 a.m. na nang dumating ang mga tauhan ng MMDA at agad isinara ang kahabaan ng lugar habang sinusubukang iangat ang container pabalik sa truck.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng driver at pahinante ng truck ngunit base sa kanilang pahayag sa mga awtoridad, posibleng tumaas ang kalsada dahil sa inilagay na aspalto.

Dati na umano silang dumadaan sa lugar at hindi naman sumasabit ang kanilang truck.

Dinala sa Manila District Traffic Enforcement Unit ang driver ng trailer truck at taxi driver para sa imbestigasyon. –Jamil Santos/NB, GMA Integrated News