May inaasahang malakihang taas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo bunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, partikular ang labanan ng Israel at Iran.

Dahil sa epekto sa oil industry ng labanan ng Israel at Iran, tinatayang aabot sa P2.50 hanggang P3.00 per liter ang itataas sa presyo ng gasolina.

Nasa P4.30 hanggang P4.80 per liter naman ang maaaring madagdag sa presyo ng diesel. Habang P4.25 hanggang P4.40 naman sa kerosene.

Ang naturang pagtaya sa magiging galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ay inihayag ni Department Energy of Energy-Oil Industry Management Bureau, Assistant Director Rodela Romero, base sa resulta ng 4-day trading sa MOPS (Mean of Platts Singapore).

Sinabi ni Rodero na ang pinakamalaking dahilan sa inaasahang fuel price hike ay ang, "major oil price shock looming as the Israel-Iran conflict threatens critical global shipping passage."

Kamakailan lang, sinabi ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. na magkakaloob muli ang pamahalaan ng fuel subsidies kapag nagmahal nang malaki ang presyo ng mga produktong petrolyo.

'We are starting already with the assumption that the oil prices will in fact go up and I cannot see how it will not. Because the Strait of Hormuz will then be blocked if it escalates. The oil cannot come out of its sources. So the prices will certainly be affected,'' paliwanag ni Marcos.

''So the subsidies that we have always given, fuel subsidies, that we gave to, if you remember during the pandemic, lalong-lalong na 'yung mga napapasada, 'yung mga may hanap-buhay naman sila, binigyan nating fuel subsidies," dagdag ng pangulo.

Inaanunsyon ng mga kompanya ng langis ang opisyal na halaga ng fuel price adjustment tuwing Lunes, at ipatutupad naman sa susunod na araw ng Martes.—FRJ, GMA Integrated News