Dalawang grupo ng mga kabataan ang nagkainitan sa harap ng basaan sa Wattah Wattah festival sa San Juan City nitong Martes.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV News Balitanghali, sinabing may nagbasag ng bote sa gitna ng kaguluhan at mayroon nagtamo ng sugat.
Kaagad na nabigyan ng paunang lunas ang biktima, at nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyaring gulo.
Samantala, tuloy pa rin sa tradisyon na basaan sa kapistahan sa ilang piling lugar sa lungsod na pinangunahan ni Mayor Francis Zamora.
Kabilang sa itinakdang “basaan zones” ang Pinaglabanan Road mula sa N. Domingo hanggang P. Guevarra, at sa paligid ng Pinaglabanan Shrine.
Itinakda lang ang “Basaan” ng mula 7 a.m. hanggang 2 p.m. dahil na rin sa ilang reklamong nangyari sa basaan noong nakaraang taon.
Ipinagbabawal na rin ang pagbubukas ng sasakyan para mambasa. Bawal ding gumamit ng maduming tubig na pambasa, mambato ng tubig na nasa plastic, high-pressure water sprayers, o iba pang makakasakit.
Nagpatupad din ng liquor ban sa San Juan ng mula 12:01 a.m. hanggang 2 p.m. ng Martes.
Ang lalabag ay magmumultahin ng P5,000 at kulong ng 10 araw.
Ginagawa ang Wattah Wattah Festival tuwing ika-24 ng June sa San Juan City bilang pagdiriwang ng kanilang patron saint na si St. John the Baptist.—FRJ, GMA Integrated News
