Inilahad ng negosyanteng si Atong Ang kung papaano nagsimula ang umano’y tangkang pangingikil sa kaniya ni Julie "Dondon" Patidongan, o alyas “Totoy,” na binalak pa umano siyang ipadukot.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, mariing itinanggi ni Ang na tinangka niyang suhulan ng P300 milyon si Patidongan para manahimik at huwag umano silang idawit sa kaso ng nawawalang mga sabungero mula pa noong 2021 na aabot sa 100 tao.
“Hinihingan ako ng P300 million para huwag daw akong idamay sa kaso nila. Sila ang may kaso, hindi naman ako,” giit ni Ang na nagsampa ng reklamo nitong Huwebes laban kay Patigongan at isa pa, kaugnay ng tangka umanong pangingikil sa kaniya.
“Para maayos daw ‘yan, bigyan ko raw sila ng P300 million. Kaya namura ko, doon nagsimula,” dagdag ng negosyante.
Sinabi pa ni Ang sa mga mamamahayag na plinano rin umano ni Patidongan na dukutin at patayin siya.
“Kasi ang nakapaligid sa akin, mga tao niya eh. Nu'ng time na ‘yun, nagtitiwala ako sa kaniya. Ang napag-usapan doon, kikidnapin ako, patutubos ako at saka papatayin ako,” ayon kay Ang.
Isa si Patidongan sa mga akusado sa kaso ng 34 na nawawalang mga sabungero na nais maging testigo at nangakong isisiwalat ang lahat ng kaniyang nalalaman.
Nauna na niyang sinabi na mahigit 100 ang lahat ng mga dinukot na sabungero na pawang patay na. Itinapon umano ang mga bangkay nito sa Taal lake na nilagyan ng pabigat na buhangin.
Ayon kay Patidongan, may ipinadalang tao umano si Ang sa kaniya para papirmahan sa affidavit na binabawi ang pagdadawit niya sa grupo ng negosyante kapalit ng P300 milyon, na kaniya raw tinanggihan.
Sinabi naman ni Ang wala silang kinalaman sa nawawalang mga sabungero.
“Wala kami kinalaman. Lahat sa grupo namin mga disente ‘yan. Ang hilig namin sabong lang,” ani Ang. “Tingnan niyo pagkatao ko, pagkatao naming lahat. Wala naman kaming history ng pumapatay ng tao.”
Ayon sa kampo ni Ang, si Patigongan mismo ang naghanda ng affidavit of recantation na pipirmahan nito kung magbibigay ang negosyante ng P300 milyon.
Ngunit giit ni Patidongan sa exclusive interview ni Emil Sumangil, “Parang binaligtad niya ang lahat. Sinabihan ako, ‘Dondon tanggapin mo na ‘yan. Bawiin mo lahat ng sinasabi mo at mag-abroad ka na lang’, yun ang pagkasabi sa akin. Hindi ako nanghingi.”
Itinanggi rin niya na plinano niyang dukutin si Ang.
Ayon pa kay Patidongan, isa sa anim na guwardiya na kinasuhan sa pagkawala ng mga sabungero sa Maynila noong 2021 ay kamag-anak umano ni Ang.
Sinabi ni Patidongan, na dating security manager sa mga farm ng mga manok ni Ang, na pinakiusapan siya ng negosyante na siyang maging in-charge sa naturang insidente sa Maynila.
Pero kinalaunan, inabandona umano siya sa kaso.
“Nakiusap siya sa akin, ‘Don, tutal marunong ka naman sumagot, palit na lang kayo. Kasi itong si... battery na lang ang nagpapagana, may opera na ‘yan,” saad ni Patidongan.
Wala rin umanong basehan ang mga sinasabi ng kampo ni Ang na may kaso siyang pagpatay at pagnanakaw, ayon kay Patidongan
Sinisikap muli ng GMA Integrated News na makuha ang panig ni Ang sa mga pahayag ni Patidongan.
Ang GMA Integrated News ang unang nag-ulat ng pahayag ni Alyas Totoy nang lumutang na siya nitong Miyerkoles at nagpakilala na bilang si Patidongan. Dito, unang beses niyang tinukoy ang pangalan ni Ang na utak umano sa pagkawala at pagpatay sa mga sabungero.
Taliwas sa sinabi ni Ang na hindi kinuha ang kaniyang panig nang pangalanan siya ni Patidongan, inilabas kaagad ng GMA Integrated News ang kaniyang panig sa pamamagitan ng kaniyang abogado.
Inilabas ang naturang panig ng negosyante sa mga newscasts ng GMA, at iba pang platforms ng GMA Integrated News. –FRJ, GMA Integrated News
