Inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman ang pagsasampa ng mga reklamong plunder, bribery, at corruption laban kina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, mga dating kongresista na sina Zaldy Co at Mitch Cajayon, at Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, at iba pa.

"Based on testimony and narration of witnesses the scheme starts from the proponent, who is either a member of the Senate or of the House of Representatives, who will inform Engineer (Henry) Alcantara that he or she has a budget allocated for infrastructure project," sabi ni ICI Chairman Andres Reyes Jr. sa isang press conference nitong Miyerkules.

"Additionally, the scheme shall always involve flood control projects because the kickback is 25% to 30%, higher than the kickback for other projects which is only at 10%," dagdag niya.

Inirekomenda rin ng ICI ang pagsasampa ng mga reklamo laban sa dating undersecretary ng Public Works and Highways (DPWH) na si Roberto Bernardo.

"These persons possibly committed the following violations: direct or indirect bribery and corruption of public officials under Articles 210, 211, and 212 of the Revised Penal Code; corruption of public officers (under) Section 3b and 3c of RA 3019; and plunder as defined and penalized under Section 2 of RA 7080," sabi pa ni Reyes.

Gayunpaman, hindi nagpaunlak ng mga katanungan si Reyes matapos ang kaniyang anunsyo ng mga rekomendasyon ng ICI sa Ombudsman.

Naghain ng reklamo ang ICI laban sa mga indibidwal na nagbulsa umano ng pondo ng publiko mula sa mga proyekto ng gobyerno para sa flood control nitong 1 p.m. ng Miyerkules, Oktubre 29.

Pagtanggi

Sa isang pahayag, sinabi ni Villanueva na hihintayin ng kaniyang kampo ang kopya ng opisyal na referral ng ICI sa Ombudsman at pag-aaralan ng kaniyang mga abogado ang batayan ng pagkakasama niya sa reklamo.

"We will await the action of the Ombudsman and file our answer," sabi ni Villanueva.

Ayon pa kay Villanueva, makikita sa ang mga rekord ng Senado na tutol siya sa mga proyekto ukol sa flood control, at siya pa nga ang nagbunyag at kumuwestiyon dito. Dagdag pa niya, palagi ring pinatotohanan ni Alcantara na wala siyang alam tungkol sa mga flood control project.

"All these, at the proper time, will prove my innocence," sabi niya.

Dati nang itinanggi ni Estrada ang kinalaman niya sa mga flood control projects at hinamon pa ang dating assistant engineer ng 1st district ng Bulacan na si Brice Hernandez na kumuha ng lie detector test para patunayan ang mga paratang nito sa kaniya. Nagsampa rin siya ng mga reklamong perjury laban kay Hernandez.

Nauna nang nagpahayag ng kahandaan sina Villanueva at Estrada na buksan ang kanilang mga bank account para sa pagsusuri.

Sa isang naunang pahayag, itinanggi rin ni Co ang pagtanggap ng pondo mula sa mga flood control project ng DPWH.

Sa isang post sa Facebook noong Setyembre 18, sinabi ni Cajayon na hindi niya kilala si Alcantara at maging si Brice Hernandez, na unang nag-ugnay sa kaniya sa mga flood control project. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News