Patay ang pahinante, habang sugatan ang driver matapos sumalpok ang sinasakyan nilang wing van sa isang poste ng traffic light sa Quezon City kaninang madaling araw.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa intersection ng Mindanao at Congressional avenue.
Ayon sa pulisya, sinabi ng driver ng van na kakaliwa sana sila sa Congressional avenue nang mawalan ng preno ang kanilang sasakyan.
Isang kotse at isang taxi ang nabangga muna ng van bago ito dumiretso at sumapok sa poste ng traffic light.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. – FRJ GMA Integrated News
