Nasawi ang isang 21-anyos na estudyante nang sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa center island sa Taft Avenue sa Maynila nitong Miyerkules ng gabi. Hinala ng isang opisyal ng barangay, may iniwasang lubak ang biktima.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage sa Barangay 719, na may kabilisan ang takbo ng biktima nang sumalpok siya sa center island malapit sa panulukan ng Vito Cruz Street. 

Ayon sa pulisya, pauwi na ang biktima nang mangyari ang insidente.

Hinala ng isang opisyal ng barangay, maaaring may iniwasang lubak ang biktima.

Sa tingin namin parang may iniwasan siya siguro dun kasi parang may konting lubak don sa gitna. Sa sobrang tulin niya siguro kaya hindi na niya nakontrol yung manibela, doon siya tumumbok sa poste ng LRT,” ayon kay Richard Tabug, team leader Brgy. 719.

Sinabi rin ng barangay na madalas na may naaksidente sa bahaging iyon ng lugar lalo na sa gabi. – FRJ GMA Integrated News