Patay na at nakabulagta sa gilid ng bangketa nang matagpuan ang 63-anyos na biktima matapos umanong hatawin ng baseball bat ng 37-anyos na suspek sa Tondo, Manila. Ang biktima, ilang beses na umanong pinagtangkaang saktan ng suspek.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen nitong Martes ng gabi sa Dagupan extension sa Barangay 184.

Ayon sa isang kamag-anak ng biktima, nakita niyang hinahabol ng suspek na tricycle driver na may hawak na pamalo ang senior citizen bago natagpuan ang bangkay ng huli.

Napag-alaman na barker sa Cubao ang biktima at bumisita lang sa kanila para maningil ng bayad sa pinapaupahan nitong kuwarto.

Ayon pa sa kaanak, posibleng naingayan ang suspek sa biktima.

Ilang beses na rin umanong pinagtangkaan ng suspek na saktan ang biktima pero naawat lang ito kaya hindi natutuloy ang masamang balak.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek. – FRJ GMA Integrated News