Isang lalaki ang dinakip matapos niyang mapatay sa pamamaril ang kaanak niyang security guard sa Quezon City. Ang suspek, sinabing ipinakulam umano ng biktima ang kaniyang kambal na apo kaya namatay habang nasa sinapupunan ng ina, na kaniya namang anak.

Sa ulat ni James Agustin sa “Unang Balita” nitong Huwebes, sinabing naganap ang krimen bandang 5:30 p.m. ng Linggo sa Mindanao Avenue na sakop ng Barangay Talipapa.

Dead on the spot ang 32-anyos na lalaking biktima.

Nahagip sa CCTV camera ang pagtakas ang suspek na sakay ng motorsiklo. Ngunit nagtanggal siya ng helmet kaya natukoy ang kaniyang pagkakilanlan.

Nadakip sa isang bahay sa Barangay Culiat ang 44-anyos na suspek sa ikinasang follow-up operation ng operatiba ng Quezon City Police District.

Natuklasang pinsan ng tatay ng biktima ang suspek, na nakuhan ng isang baril na kargado ng mga bala. Inimpound din ang motor na kaniyang ginamit sa krimen.

Ayon sa pulisya, paghihiganti ang motibo sa krimen.

“Pinagsuspetsahan niya na itong victim ang siyang nagpakulam doon sa apo niya. Kaya po niya nagawa ‘yun, ginantihan niya. Nakakalungkot din po kasi nalaman natin na tumulong pa ‘yung suspek natin during doon sa pagpa-process noong namatay at present pa po siya doon,” sabi ni Police Colonel Randy Glenn Silvio, QCPD Acting District Director.

Nakabilanggo na sa Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal ang suspek, na umamin sa pamamaril.

Ayon sa kaniya, ipinakulam umanong biktima ang kaniyang kambal na apo na nasa sinapupunan pa.

“Noong pagbantaan niya kaming patayin lahat, kasi napatay niya ‘yung dalawa kong apo. Doon sa pagbabanta niya roon sa nanay ng bata. So noong napatay niya ‘yung dalawang apo kasi nanganak siya nang wala sa tamang gulang, six months pa lang. Mailap na siya kasi isusunod na niya ako,” sabi ng suspek.

“Hindi ko intention na patayin siya. Babarilin ko lang siya sa paa, sa sapatos niya. Kaya lang natumba ako, na-out balance ‘yung kamay ko,” anang suspek.

Sinampa na ng mga reklamong murder, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act ang suspek.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News