Binaha ang bahagi ng UN Avenue at Quirino Avenue sa Paco, Maynila matapos bumigay ang Paco Pumping Station.

Inilikas naman ang ilang residenteng apektado.

Nagmistulang ilog ang bahagi ng UN Avenue corner Quirino Avenue.

'Yan ay kahit wala namang ulan na naranasan mula kagabi.

Ayon sa Barangay 672, bumigay ang Paco Pumping Station na nagdulot ng tuluyang pagbaha sa kanilang lugar.

“Nagbomba po sila ng umaga tapos umiinit po ata 'yung kanilang motor kaya ho bali pagdating po ng hapon, nag-abiso na po sila sa karatig na barangay,” ani Barangay Chairman Manuel Garcia.

Mas malala raw ang sitwasyon kahapon na umabot hanggang bewang ang taas ng tubig.

Sa pag-iikot ng GMA Integrated News pasado alas tres ng madaling araw, gutter-deep pa ang taas ng baha sa lugar at may tumirik na motorsiklo sa gitna ng kalsada.

Dalawang taxi driver na naghahanap ng kanilang plate number na inanod dahil sa baha ang tumulong sa rider na maitulak ang nasabing motorsiklo.

May isang sasakyan na umatras na lang at hindi na isinugal ang paglusong sa baha.

Inabot din ng tubig ang Barangay Hall ng Barangay 672.

Ayon sa barangay, nasa halos 90 pamilya mula sa anim na barangay ang inilikas kahapon.

Pero nabawasan na raw ang bilang dahil bahagyang humupa ang tubig.

“Ang natira po dito is tatlong barangay po,” ayon kay Garcia.

“Bali ang families po sa akin, may 11. Tapos du'n po sa kabilang barangay, meron po silang 8 na families. Tapos dito po sa kabila, meron po silang 7 ata,” dagdag niya.

Mahigit 20 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa Lukban Elementary School dahil sa pagbaha.

Hindi pa malinaw kung kailan posibleng maayos ang pumping station.

Pero agad naman daw pauuwiin ang mga residenteng apektado sa oras na humupa na ng tuluyan ang tubig.

Sinusubukan ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority at ng Manila local government unit tungkol dito. —BAP/KG GMA Integrated News