Nadakip ang apat sa anim na lalaking suspek sa pagnanakaw ng mga copper wire at ballast sa Ortigas Pumping Station sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nakunan sa CCTV ang pagnanakaw ng mga suspek nitong Sabado.
Hanggang sa natuklasan na lamang ng operator na wala na ang mga copper wire at ballast ng makina ng pump sa kasagsagan ng bagyo nitong Linggo.
Umaamin ang apat sa mga nadakip sa kanilang pagnanakaw at humingi sila ng tawad.
Na-inquest na ang mga suspek na mahaharap sa reklamang robbery samantalang patuloy na hinahanap ang dalawa nilang kasama.
Sinabi ng lokal na pamahalaan ng Cainta na posibleng abutin ng dalawang linggo bago mapalitan ang mga copper wire at maisaayos ang naturang flood control station.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
