Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang isang 16-anyos na lalaki matapos niyang sunugin ang makeshift bodega ng kanilang kaanak sa San Jacinto, Pangasinan. Bago ang insidente, nilooban din ng binatilyo ang bahay ng may-ari ng bodega.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ang biglang pagtakbo ng mga tao matapos makakita ng usok.

Nasusunog na pala ang isang makeshift bodega na naglalaman ngstuffed toys.

Agad namang naapula ng mga bumbero ang sunog.

Pagkapanood ng may-ari ng bodega sa CCTV, natuklasan nila na nasa loob umano ng bakuran ang binatilyo nilang kaanak habang nasusunog ito.


Tatlong araw bago ang sunog, nilooban din umano ng menor de edad ang kanilang bahay.

Nasa kustodiya na ng muncipal social welfare department office ang binatilyo, na hindi nagbigay ng kaniyang pahayag.

Sinabi ng pulisya na umamin ang binatilyo sa panununog, ngunit hindi niya sinabi ang kaniyang dahilan.—LDF GMA Integrated News