Timbog ang isang 32-anyos na babae matapos niyang ikalat ang mga malalaswang litrato ng isa pang babae na pinaghihinalaan niyang karelasyon ng asawa niya sa Quezon City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing dinakip ng mga operatiba ng Marikina Police ang akusado sa Barangay Laging Handa nitong Linggo sa bisa ng arrest warrant.

Kabilang siya sa Most Wanted Persons List ng kanilang lungsod.

Sinabi ng pulisya na ipinakalat umano ng akusado ang mga malalaswang litrato ng biktima noong Enero 2021.

“Ito po kasi ay nag-ugat doon sa kaniyang pagdududa sa kaniyang asawa na ito ay mayroong karelasyon. Eventually ay napatunayan nga niya na mayroon nga itong medyo pinakahumalingan na ibang babae at doon niya mismo nakita sa cellphone ng lalaki na may mga hindi magandang mga pictures. Sinend sa mga kaanak nitong biktima po natin,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina City Police.

Hanggang sa nagsampa ng reklamo ang biktima laban sa babae.

Depensa ng akusado sa pulisya, hindi siya nagtago.

“Sinabi po niya na talagang hindi niya na inaasahan na may warrant na ilalabas. Balak niya rin po talagang sumuko sana. Naunahan lang talaga natin siya,” ani Tecson.

Tumangging humarap sa media ang akusado, ngunit umamin siya sa paratang, ayon sa pulisya.

“Sabi naman po niya na talagang ginawa niya 'yun. Ang gusto niya lang gawin ay talagang pahiyain ‘yung taong gumawa nito dahil nasaktan [siya]. At sinabi nga po niya na talagang ang pagsisisi laging nasa huli," sabi ni Tecson.

Nakadetene sa custodial facility ng Marikina Police Station ang akusado, na sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act at kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News