Nahuli-cam ang pamamaril ng isang rider sa isang lalaki sa Barangay Salvacion sa Quezon City. 

Sa ulat ng GMA News “Saksi” nitong Huwebes, makikita sa video footage ang pamamaril sa biktima ng salarin habang nakasakay sa motorsiklo.

Kahit sugatan, nagawa pa rin ng biktima na makatakbo. Nagtamo siya ng tatlong tama ng bala sa tagiran at patuloy na nagpapagaling sa ospital

Naaresto naman sa follow-up operation ang suspek at nakuha sa kaniya ang isang baril.

Ayon sa pulisya, onsehan sa ilegal na droga ang posibleng motibo sa krimen.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa patong-patong na reklamo.—FRJ GMA Integrated News