Dalawang suspek sa pagpatay ang pinahirapan umano ng walong pulis-Navotas para aminin ang nangyaring krimen.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabi ng isa sa mga suspek na si alyas “Dave,” na nangyari ang pagpapahirap umano sa kanila noong November 9. 

Ayon kay “Dave,” may ipinalo sa kaniya na matigas na bagay na naging dahilan para mawalan siya ng malay. Nalaman niya raw niya kinalaunan na patuloy ang pananakit sa kaniya kahit wala na siyang malay.

“Ang sabi po nila, sir, umaarte lang daw po ako nung humandusay po ako sa lapag, tulo nang tulo ‘yung dugo ko,” sabi ni “Dave.” 

Sa mugshot, makikita na tila may gasa o benda na nakalagay sa kaniyang ulo.

Ayon sa abogado ng mga suspek, inilabas ng selda ang kaniyang mga kliyente at dinala sa tanggapan ng Intelligence Section ng Navotas City Police Station, kung saan nangyari umano ang pananakit.

“Pinagpapalo daw sila sa talampakan, tapos tinali ang kanilang kamay at paa, tapos binalutan ng plastic yung kanilang ulo kaya hindi sila makahinga,” sabi ni Atty. Cid Andeza.

“Madalas ko naririnig ito, ito yung sinusupot. Alam na ng mga tao kung ano ang ibig sabihin sa salitang iyon,” dagdag niya. 

Hinala ng abogado, pinahirapan ang kaniyang mga kliyente para pumirma sa extrajudicial confession, o pag-amin na sila ang bumaril at pumatay sa dalawang biktima sa Navotas City noong November 3.

Sinabi ni Andeza na naghain na sila ng reklamo sa PNP Internal Affairs Service laban saw along pulis.

“To be honest, this is the first time na nakakita ako ng ganitong sitwasyon. Siyempre all of the suspects would claim innocence, pero iba yung nakita ko dito,” giit niya. “Kasi aside from their claim, there is physical evidence to substantiate kung ano ‘yung claim nila.” 

Inihayag naman ng PNP Internal Affairs Service na masusi nilang iimbestigahan ang reklamo laban sa walong pulis,

“We take all allegations of abuse seriously and will ensure a thorough and impartial investigation. The IAS remains committed to upholding accountability and protecting the rights of every person under police custody,” pahayag ni IAS inspector general Brigido Dulay. 

Samantala, naniniwala naman ang Northern Police District, ang nakasasakop sa Navotas Police, na sangkot talaga sa krimen ang dalawang suspek. Matibay umano ang ebidensiya laban sa dalawa at walang dahilan para alisin sa puwesto ang walong pulis.

Inaasahan na haharap sa media ang mga inaakusahang pulis sa Huwebes.

“Di umano sabi nila sasagutin nila yung mga complaints na sinampa sa kanila. sinabi nila as a defense, ito ay harassment doon sa pagkakahuli doon sa dalawang suspects,” ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño. – FRJ GMA Integrated News