Nadakip ang isang 24-anyos na lalaki na nagpapanggap na menor de edad online at nakikipagkaibigan sa mga kabataan na kinalaunan ay hihingan niya ng maselang mga larawan at video na gagamitin niyang pang-blackmail.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing naaresto ng National Bureau of Investigation Human Trafficking Division, ang suspek sa Hagonoy, Bulacan sa bisa ng arrest warrant. 

Sa mobile phone ng suspek, nakita ang mga malalaswang larawan at videos ng mga menor de edad na kaniyang kinaibigan. 

“Una, magpapadala siya ng friend request sa isang online platform at magpapakilala siyang kaedad niya ang biktima at doon na magsisimula ang grooming,” ayon kay NBI Human Trafficking Division chief Sally Laguardia. 

“At kapag nakuha na niya yung trust ng victim, doon na manghihingi na siya ng litrato o video na malalaswa,” dagdag nito. 

Kapag nakakuha na ng maselang larawan at video, ipapanakot na ng suspek sa biktima na ipakakalat ang mga ito kapag hindi pumayag ang biktima na gumawa sila ng kahalayan sa video call. 

“At na-establish natin na hindi lang pala itong biktima natin ang kaniyang inaabuso, meron pang pitong menor de edad gino-groom at tinatakot na magpadala ng malalaswang litrato at video,” sabi ni Laguardia. 

Mahaharap ang suspek sa paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children, and Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek.

Paalala naman ng NBI sa mga magulang, laging bigyan ng atensyon ang mga anak.

“Dapat natin bigyang atensyon ang ikinikilos ng ating mga anak. Kapag mapansin natin na kakaiba na ang pagkilos niya, hindi na nakakakain ng maayos, laging tahimik na dating hindi ganun siya, yan ay senyales na may problema na ang ating mga anak. I-open natin ang komunikasyon sa kanila, ayaw natin silang maging biktima,” payo ni NBI director Lito Magno.—FRJ GMA Integrated News