Patay ang isang motorcycle rider na nag-counterflow matapos siyang sumalpok sa isang van sa Diego Cera Avenue, Las Piñas. Ang van driver, napag-alamang walang lisensiya.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ang pag-counterflow ng motorsiklo bago mag-3 a.m.

Ilang saglit lang, sumalpok ang motorsiklo sa kasalubong na van na nasa kabilang lane.

Idineklarang dead on arrival ang rider sa ospital, na nasa tapat lang kung saan nangyari ang aksidente.

Wasak ang harapan ng motorsiklo ng rider.

“Ang nangyari po, um-overtake po siya sa dalawang motor na kasunuran niya na sumalpok po siya sa may van. Malakas po. Halos mabali na po ‘yung gulong ng unahan niyang motor,” sabi ni Ceejay Naron, first responder sa Barangay Pulang Lupa Uno.

Sumuko sa mga pulis ang driver ng van, na natuklasang walang lisensiya.

Patuloy ang pag-iimbestiga sa aksidente. Nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng van, na tumangging humarap sa camera para magbigay ng kaniyang panig.

Emosyonal naman ang mga kaanak ng pumanaw na motorcycle rider nang dumating sa may police station. Tumanggi rin silang magbigay ng pahayag. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News